RLLQPH

No taglines. Only my stuffs

I’m Yours – EPISODE 9 – Kite Fish

Isdang nasa langit,
wala sa tubig.
lumilipad,
lipad.

MAGKAPATID sina Yuta at Tetsu. Simula ng maulila silang lubos ay siya na ang nag-alaga dito. May-ari sila ng maliit na gift wrapping shop at sa pagkakataong ito, nangungulit ito upang magpaturo sa kaniya kung papano gumawa ng saranggola.

“Kuya! Naiinggit ako! Nagpapalipad sila ng saranggola oh!” sabay turo nito sa labas ng bintana habang pinapanuod ang mga bata.

Bumuntong-hininga siya habang tinatapos ang pagbabalot ng huling malaking regalo. “Kung gusto mo magpalipad ng saranggola, lumabas ka, makipag-kaibigan ka sa kanila at magpaturo ka kung paano gumawa nun kung hindi mo alam.”

“Pero kuya— !”

“Walang pero-pero Tetsu. Busy pa ako.”

“I— I hate you!” sigaw nito sa kaniya bago ito sumibad palabas ng kanilang gift wrapping shop. Umiiyak ito.

“Tetsu! Wait!”

NAPADPAD si Tetsu sa isang maluwag na parke na di kalayuan sa kanilang bahay.

Habang naglalakad siya sa palibot nito ay nakikita niya ang mga bata na masayang naglalaro habang nagpapalipad ng saranggola, ang iba naman ay gumagawa nito. May isang bata na lumapit sa kaniyang likuran bago siya kinalabit nito. Pagkalingon niya ay nakita niya ang isang babae na mas bata sa kaniya.

“Ate! Marunong ka bang gumawa ng saranggola?” mabilis nitong tanong sa kaniya.

Hindi niya alam kung inaasar siya nito kung kaya’t pinalipas na lamang niya ang sama ng loob sa kaniyang kuya. “Bata, pasensiya ka na pero hindi rin ako marunong eh. Sorry.”

“Hindi bata ang pangalan ko, ako si Pochi. Ikaw, anong pangalan mo ate?” sabay ngiti.

Nginitian niya rin ito ngunit isang mapait na ngiti lamang ang ibinigay niya dito. “Ako si Tetsu. Sige, alis na ako.”

“Saan ka pupunta?”

Napatigil siya. Oo nga naman, saang lupalop nga naman siya pupunta gayong hindi naman talaga niya alam kung saan siya dapat sumuot. Naiinis kasi siya dahil walang panahon sa kaniya ang kuya niyang busy sa pagbabalot ng mga regalo na yun!

“Hi— hindi ko alam. Ikaw?”

“Ako? Dito lang ako. Hinihintay ko kasi ang kuya ko. Sabi niya, tuturuan niya ako gumawa ng saranggola pagkatapos niyang mag-review.”

“Ganun ba…” Gustuhin man niya umalis kaagad ay hindi niya magawa. Parang may kakaibang pwersa na humihila sa kaniya upang manatili sa kaniyang kinatatayuan. Naalala niya tuloy ang kuya niya, pakiramdam kasi niya ay pareho sila ng sitwasyon. “Pochi…”

“Bakit Ate Tetsu?”

Huminga muna siya ng malalim saka niya ito tinitigan sa kaniyang mga mata. Kulay asul iyon na parang katulad sa isang malawak na kalangitan. “Mahal mo rin ba ang kuya mo?”

“Oo naman! Kuya ko yun eh!”

Napailing siya. Napaka-awkward naman kung tatanungin niya ito ng isang napakaselang tanong pero bahala na. Kailangan niya ng kausap upang mailabas niya ang sama ng loob niya. “Ang ibig kong sabihin ay— kung in love ka rin sa kuya mo. Yun bang, parang higit pa sa kuya…”

Namula ang pisngi nito sa itinanong niya. Hindi na siguro pa kailangan niyang marinig ang sagot nito dahil tiyak, higit nga ang nararamdaman ni Pochi para sa kuya nito. “Ah, kasi, ano, hindi! Ka— kasi kuya ko lang siya, hindi pwede.”

“Ok lang Pochi, ikaw naman, hindi ka mabiro.”

Tumalikod ito sa kaniya bago ito muling nagsalita. “Ate Tetsu…”

“Ano?”

“Siguro… kung ano ang nararamdaman mo, ganun din ako.” anito bago ito tumakbo palayo. Hahabulin sana niya ito ngunit hindi niya magawa. Pakiramdam niya tuloy, mas lalo siyang naguluhan sa problema niya ngayon.

KUMAKALAM ang sikmura ni Tetsu pagkauwi nito ng bahay. Buti na lamang at nakapagluto siya ng meryenda. Agad siyang naghain para sa nakababatang kapatid.

“Tetsu, sorry kanina. Kumain ka muna.”

“Ayaw.”

Napabuntong hininga na lamang siya sa narinig. Kahit kailan talaga, ang hirap i-spell ng kaniyang kapatid, minsan tuloy gusto niya na mag-resign sa pagiging kuya nito pero anong magagawa niya? Siya lang ang tanging tao na makakatutok sa pag-aalaga dito.

“Kumain ka muna dahil pupunta tayo sa parke at dun tayo magpapalipad ng saranggola.”

“Ta— talaga!? Yehey!” mabilis pa sa alas-kwatro na umupo ito sa hapag-kainan. Parang dinaanan ng bagyo ang inihain niyang pagkain para dito dahil ubos na ito.

Napangiti na lamang siya sa kakaibang reaksyon nito. Kahit napagod siya sa pag-aasikaso sa kanilang shop ay sulit naman ang pagod dahil nasa tabi niya ang isang taong nagbibigay sa kaniya ng kakaibang lakas at sigla.

PAGKADATING nila sa parke at agad na iniayos ni Tetsu ang mga gamit na kakailanganin nila sa paggawa ng saranggola. May papel de hapon, stick, tali, pandikit, gunting at lata siyang dala bilang mga materyales.

Ginupit niya ang papel ayon sa magiging hugis ito. Iniayos din niya ang stick saka inilapat ang papel dito. Maya-maya lang, sa tulong ng mga pinaggupitang papel at pandikit ay natapos nila ito— magiging gaya ito ng isang isda pagkalumipad na ito sa ere. Iniayos niya rin ang lata na may nakapulupot na tali saka idinikit dito ang saranggola. Presto, handa na sila upang paliparin iyon!

NAGING masaya ang araw na iyon para kay Tetsu dahil nakasama niya ang kaniyang kuya sa pagpapalipad ng saranggola. Ngunit sa isang banda ay bigla siyang nalungkot dahil naalala niya si Pochi at ang mga huling sinabi nito sa kaniya.

“Tetsu, bakit natahimik kang bigla diyan? May multo bang dumaan?”

Tiningnan niya lamang ito habang hawak nito ang tali. “Hindi naman. May nakilala lang akong bata kanina dito. Halos kasing-edad ko rin pero mas bata pa sa akin.”

“Ganun ba? Ano naman pinag-usapan ninyo? Nasaan siya?”

“Wa— wala naman kaming masyadong pinag-usapan! Hindi ko alam kung nasaan siya. Bigla kasing nawala eh.”

Bigla ay umihip ng malakas ang hangin kung kaya’t muntik na nitong mabitawan ang tali. “Eh ano naman ang pangalan ng nakilala mo?”

“Po—“

Umihip muli ang malakas na hangin kung kaya’t naputol ang tali kung saan nakakabit ang saranggola nila. Natawa na lamang siya sa eksenang iyon. Pakiramdam niya tuloy sinadya iyon ng pagkakataon.

“A— ang saranggola! Sandali lang! Hahabulin ko!”

PAGKATAPOS ng ilang minutong paghahanap sa umalagwa nilang saranggola ay nakabalik din siya kung saan naghihintay sa kaniya si Tetsu. Kahit hinihingal ay pilit pa rin siyang ngumiti dito.

“Te—Tetsu… pasensiya na kung natagalan. Ito na…”

Sinuri nito ang saranggolang dala niya. Kakaiba ito sa nauna nilang ginawa. “Kuya, bakit parang nag-iba yang saranggola mo?”

“Ewan ko ba, pero pagkadating ko sa binagsakan nito, eto lang yung natagpuan ko dun. Weird nga.” sinuri niya ito bago napansin na may nakasulat dito. “Tetsu, may nakasulat ata dito oh…”

“Patingin nga kuya…”

Sabay nilang binasa ang nakasulat sa stick na nakalagay sa gitna ng saranggola. “For Pochi.”

~

XY: Entry sana ito sa isang blog contest tungkol sa paggawa ng saranggola. Sa kasamaang palad, may 1K words limitation ang isang short story. Sad to speak, sumobra ito ng higit sa 100+ kung kaya’t hindi na rin ako umaasa na matatanggap ito.

Para sayo ito pareng Bernard. :)

~

Q: Bakit Episode 9 ito? Nasaan ang iba?

A: Nasa TOP yung iba. Punta ka dun… http://tagalogonlinepocketbook.com – cya :)

Inihanay sa:Maikling Storya

I SoW You!


Jason Hamster - Sa tuwing mag-po-post ako, laging may komento sa akin ang makulet na hamster na ito. Kaya naman bilang pasasalamat ay siya naman ang aking bibiktamahin para sa pakulo kong ito! Hiyah!

More information? Click here!

Follow Me!



I Support





Wikipedia Affiliate Button